Chavit Singson pledges $12M for Miss Universe 2016 pageant
by Rommel Gonzales posted on August 14, 2016
IMAGE Noel Orsal
Ayon kay dating Ilocos Sur Governor Luis 'Chavit' Singson, malaki raw ang maitutulong sa turismo ng Pilipinas ang gaganaping Miss Universe 2016 sa ating bansa sa darating na Enero
Ito ang dahilan kaya raw siya nag-commit ng halagang twelve million dollars para sa nalalapit na international beauty pageant.
Marami naman daw nag-pledge ng tulong o sponsorship para sa naturang Miss Universe competition.
'Yung mga casino at mga hotels nila, okay na lahat. Kasi dun titira [ang mga kandidata],' panimula niya.
May mga businessmen na nangako na rin daw ng financial sponsorship.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ibang miyembro ng media si Gov. Singson sa bahay niya sa Corinthian Gardens, Quezon City, nitong nakaraang Sabado nang gabi, August 13.
'Ako lang ang nag-garantiya [sa halagang twelve million dollars].
'Kumbaga sa ano, ako ang maglalabas kung walang mag-i-sponsor,' at tumawa ang dating Gobernador.
RISKY VENTURE. Alam naman niyang may posibilidad na bumalik sa kanya ang itinaya niyang pera. Pero aware din naman siya na maaari ring hindi niya ito mabawi.
Handa naman raw siya kung sakaling hindi na babalik ang twelve million niya.
Ani Chavit, 'Oo, pero hindi naman… basta konti lang kako, okay lang. Pero hindi naman siguro.'
TERRORIST THREATS. Tinanong naman namin ang dating Gobernador kung hindi ba siya apektado sa lumulutang na balita na may mga grupo na may balak na guluhin ang naturang pageant.
Isa mga mga napapabalita ay ang planong pagbobomba umano ng grupong terorista sa Miss Universe sa Enero.
Kibit-balikat niya, 'Well, ganyan naman ang mga threat ever since yung mga nangyari na dito sa ating bansa.'
Tulad nga raw sa banta noong dumalaw dito ang Santo Papa na si Pope Francis at sa ginanap na APEC Summit sa Pilipinas.
Hindi raw siya nababahala.
Ganunpaman, sabi rin niya, 'Pero mag-iingat din.
'Ganun naman lahat ng threat nila pag may event.
'You just have to be extra careful and nakikipag-coordinate na kami ngayon sa mga military and police.'
MEETING PIA. Nagkuwento naman si Governor Singson sa pagkikita nila ni reigning Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach.
Lahad niya, 'Yeah, dahil part siya ng Miss Universe, e.
'Siya ang magte-turn over kasi sa ano [bagong mananalo].
'Kasi nag interes naman ang Miss Universe dito dahil si Pia ang magte-turn over.
'Nakikipag-coordinate naman, lahat ng sabihin ng Miss Universe sa kanya ginagawa niya.
'Kasi maski na tayo, ako ang magku-coordinate sa mga sponsors.
'Miss Universe pa rin ang magpapatakbo dahil buong mundo iyan, e.'
Nakapunta na raw sa bahay niya si Pia.
Aniya, 'Isang beses lang.
'Continuous naman ang meeting namin, pag nag-meeting ang Miss Universe kasama siya.'
Gandang-ganda raw siya kay Pia.
'Siyempre, Miss Universe e,' at tumawa si Governor Singson.
'Maganda si Pia, puwede talaga nating ipagmalaki.'
SLIM CHANCE FOR HOMETOWN VICTORY? Hiningan naman namin ng reaksyon si Governor Singson sa sinasabi ng iba na dahil dito gagawin ang Miss Universe ay malabong manalo ang ating kandidata na si Maxine Medina para maiwasan ang hometown decision at para walang mag-isip na luto ang laban.
Pagsang-ayon niya, 'Parang ganun nga, pero unless na magandang-maganda para… kasi hindi natin masasabi 'yan.
'Pero hindi naman, maganda naman siya, e.
'Baka may panalo rin, dahil depende naman sa mga judges, e.'
Hindi raw siya kabilang sa mga hurado.
Hindi pa raw niya nakikilala nang personal si Maxine.
Sa litrato lamang raw niya ito nakita.
NO MORE POLITICS. Sa tanong naman kung bakit hindi na siya muling tumakbo sa mas mataas na puwesto sa gobyerno, tulad sa Senado, saad niya, 'Retired na nga ako, e.
'Ayoko na, ayoko na.
'Sawa na ako, so yung mga naipon ko mula noong bata pa ako, negosyante na ako, gusto kong ipamigay lahat, e.
'Dahil pag namatay ako, hindi ko naman madadala, e.'
FILM PRODUCTION PLANS. Pagkatapos ng Miss Universe ay sa pagpu-produce naman ng pelikula sasabak ang dating Gobernador.
Lahad niya, 'Marami nang nag-submit, pero…
'Meron kaming production nung araw. Yung nanay ko nagpu-produce, so bubuhayin ko lang yun.'
Northern Star Productions raw ang kanilang dating film outfit.
'So bubuhayin ko lang yun,' ulit niya.
BIOFLICK. Sa tanong naman kung papayag siyang isapelikula ang buhay, niya, papayag naman raw siya.
'Depende pero, siguro.'
Wala pa raw siyang naiisip na gaganap bilang siya sa pelikula.
'Bahala ang direktor diyan,' at tumawa si Governor Singson.
Read more at http://www.pep.ph/news/64154/chavit-singson-pledges-12m-for-miss-universe-2016-pageant#z7yV7hwkzAbKc4Kw.99
Nenhum comentário:
Postar um comentário